NAG VIRAL! Tatay Tsuper hinangaan matapos mag-alok ng libreng sakay, tubig sa mga pasahero
Bida ngayon ang isang jeepney driver matapos mag-viral sa TikTok dahil sa kaniyang pagpapakita ng malasakit sa kaniyang mga pasahero.
Kinilala ang tsuper na content creator din bilang si “Kuya Adonis Vlogs.”
Makikita sa TikTok post ni Majo (@majoinff) na nag-aalok ang naturang tsuper na si Kuya Adonis Vlogs ng libreng sakay sa mga person with disability (PWD), mga buntis, at sa mga single mom. Pati rin ang may mga birthday mula Hulyo 1 hanggang 31, libre din ang pamasahe sa dyip ni Kuya Adonis.
Maliban sa libreng sakay, nag-aalok din siya ng libreng mineral water.
Umani ng samu’t saring papuri ang kaniyang pagmamalasakit sa iba:
“Galing napapasaya nya ang tao in a simple way, Salute sayo Kuya adonis vlogs”
“Let this man be successful in life”
“Pasikatin nyo si kuya adonis vlogs!”
Hiniling naman ng ibang mga netizen na sana ay hindi abusuhin ang kabutihan ng tsuper, dahil posibleng ito ay lokohin ng iba para lang makalibre ng pamasahe.
Agaw-eksena rin ang pamaypay na inihanda ng jeepney driver sa taas ng kaniyang pampasaherong jeep, na mukhang maaaring gamitin ng mga pasahero kung sila ay naiinitan.
Nagpapasalamat naman siya sa mga positibong komento ng netizens at nangakong ipagpapatuloy niya ang pagmamahal sa kaniyang mga pasahero, habang siya ay nabubuhay.
“Kahit malaki po kabawasan s[a] kita ko...Hindi po hadlang s[a] akin [y]un, Basta mahal ko po kayo mga commuters… Thank you [L]ord,” aniya.
Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, umabot na sa humigit-kumulang 12.2 million views ang TikTok post na nagpapakita ng kabutihan ni manong drayber.
No comments: