GINAHASA NG TYUHIN? Lalaki, arestado matapos umanong gahasain 12-anyos na pamangkin
Timbog sa ikinasang manhunt operation ng mga awtoridad ang isang lalaki matapos umano nitong gahasain ang kaniyang 12 taong gulang na pamangkin.
Ayon sa ibinahaging ulat ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong Biyernes, Disyembre 26, naaresto ng CIDG Isabela Provincial Field Unit at territorial police units ang suspek, na napag-alamang nakatala rin bilang Rank No. 1 Most Wanted Person (MWP) sa Cagayan Valley Region.
Isiniwalat ng imbestigasyon na ginahasa umano ng tiyuhin ang kaniyang pamangkin sa kuwarto nito noong Disyembre 23, 2025, bandang 3:00 ng madaling araw. Tinakot din daw ng lalaki ang dalagita na huwag ipagsabi ang naturang krimen.
Kalauna’y sinabi rin ng 12-anyos na babae sa kaniyang ama ang umano’y panggagahasa, na dahilan upang tuluyan nang sampahan ng reklamo ang tiyuhin.
Nasakote siya sa bisa ng warrant of arrest for Qualified Rape of a Minor na inisyu ng Ilagan City, Isabela Court noong Disyembre 18, 2025, na walang inirekomendang piyansa.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek.


No comments: