PASADO NA! Panukalang batas na P200 dagdag-sahod para sa minimum wage earner aprobado na
Inaprubahan ng mga kongresista sa botong 171 ang panukalang batas na magbibigay ng dagdag na P200.00 sahod sa mga minimum wage earners sa mga manggagawa sa pribadong sektor. Mas mataas ito sa inaprubahan ng Senado na P100.00.
Sa sesyon sa Kamara de Representantes sa plenaryo nitong Miyerkules, 171 kongresista ang bumoto para sa pag-apruba sa panukala, walang tumutol, at isa ang hindi bumoto.
Ayo kay House Assistant Minority Leader Arlene Brosas ng Gabriela party-list, matagal nang hinihintay ng mga manggagawa ang naturang umento.
“Now is the time to finally break the long years of legislative inaction. Bagama't kapos ang P200 na umento para abutin ang nakabubuhay na sahod, signipikanteng hakbang na ang pagpasa nito para iusad ang usapin ng sahod sa bulwagang ito,” pahayag ni Brosas, na isa sa mga may-akda ng panukala.
“Kailangang ituloy-ituloy ang pagpasa dito hanggang pirmahan ito ng Pangulo,” dagdag niya.
Sabi naman ni Cavite Rep. Jolo Revilla, isa rin sa mga may-akda ng panukala, "This is just the beginning of uplifting the lives of our people."
Dahil magkaiba ang bersiyon ng Kamara at Senado sa halaga ng dagdag na sahod, isasalang ang dalawang panukalang batas sa bicameral conference committee para talakayin kung magkano ang magiging dagdag na sahod.
Matapos nito, ipadadala na ang inayos na panukalang batas sa Malacañang para alamin kung pipirmahan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. upang maging ganap na batas, o hindi niya aaprubahan sa pamamagitan ng kaniyang veto power.
No comments: